Mas Mas'werte Ka Nga E
'buti ka pa, kamag-anak mo lang ang inaalagaan mo; [samantalang] ako, ibang tao na, Jewish pa. Kelangan ng pagkarami-raming adjustments sa araw-araw.
Ang sabi ko naman sa kanya:
Alam mo, minsan, mas masarap pang makisama, lalo na ang magsilbi, sa hindi mo kamag-anak; kasi bukod sa pinapasahod ka na at sinusunod ang oras ng trabaho at may araw ng pahinga, wala pang personalan. Kapag kamag-anak kasi, kadalasan ay hindi nila nakikita ang tulong o sakripisyo na ginagawa mo e; mas naipaparamdam nila sa 'yo na utang na loob mo na mapunta ka sa bansang tulad ng Canada. Para bang hindi nila matanggap na malaki rin naman ang naitutulong mo, lalo na nga't wala ka namang sweldo. Para bang hindi nila alam ang konsepto ng mutualism.
Marami kasing mga Filipino rito sa Canada na ang tingin nila sa mga tao sa Pilipinas ay naghihirap na animo'y mga pulubi. Oo, mahirap ang buhay sa Pilipinas subalit hindi naman ibig sabihin ay naghihikahos na ang bawat pamilya roon. At lalong hindi ibig sabihin na kaya ako nagpunta rito ay dahil namili ako between death and life. Malaki ang pagkakaiba ng choosing between a good and a better life at choosing between a miserable and good life. Personally, kabilang ako sa una...dahil hindi naman miserable ang buhay ko sa Pilipinas. Sa katunayan nga eh, bukod sa maganda na ang trabaho ko bilang editor ay malaki pa ang sweldo ko, dagdag pa r'yan ang sidelines ko. At higit sa lahat, kapiling ko ay mga taong nagmamahal sa akin at nirerespeto ang pagkatao ko dahil sa kilala nila ako mula kuko sa paa hanggang dulo ng buhok.
Eh, bakit ka nga ba pumayag na pumunta r'yan sa Canada kung gayong maganda naman pala ang buhay mo?
Dahil, tulad na nga ng sabi ko, I was choosing between a good life and a better life. Subalit bukod pa r'yan, alam ko rin naman kasing walang mag-aalaga sa lolo ko na, kung hindi siguro ako natuloy pumunta rito, malamang nasa isang nursing home na.
Marami akong kakilala na nagsasabi na ang sarap daw ng buhay ko rito kasi nasa bahay lang naman daw ako, laging nakababad sa computer. Yun ang akala nila! Magpalit kaya kami ng kalagayan? Tutuo ang sinasabing mas mahirap ang walang ginagawa kaysa subsob sa trabaho. Subalit malalim pa r'yan ang dahilan kung bakit ganito ang sentimyento ko. Hindi ko na bubulatlatin pa, tutal naman ay alam na ng mga taong pinagkakatiwalaan ko. Basta, ang ibig ko lang ipahiwatig, mutual for both parties ang aking pagkakapunta rito.
H'wag na h'wag kong maririnig ang sumbat na "walang utang na loob." Dahil hindi ako gago at tanga. At lalong hindi ako mangmang. Tahimik lang ako dahil wala pa akong sariling buhay na magbibigay sa akin ng karapatang manindigan uli sa aking mga paniniwala at prinsipyo. Minsan lang ako magyayabang...mas matalino pa ako sa karamihan ng mga taga-Canada!
Kung nakapunta man ako rito sa Canada, pinagbabayaran ko naman ang lahat ng 'yan. Sobra-sobra pa nga ang bayad ko e. Napakasakit lang kasi na maramdaman na para bang ako lang dapat ang magpasalamat at nakapunta ako rito. Aba, tulad na rin ng nabanggit ko na, kung hindi ako natuloy, eh ewan ko na lang kung ano gagawin ng mga kamag-anak ko sa lolo ko. Sino kaya ang itotoka nilang mag-alaga rito.
Lagi kasi nilang iniisip na hindi naman alagain si Lolo. Nuon 'yun, several years ago; kasi ngayon, ultimo pagligo at paghugas ng p'wet 'pag tatae ay hindi na n'ya kaya. Sino kaya sa kanila ang kayang maghugas ng p'wet ni Lolo? Sino kaya ang mapupuyat gabi-gabi para pagsabihan si Lolo dahil parang bata na kung anu-ano pa ang binubutingting kahit madaling-araw? Sino kaya ang kakabahan sa t'wing mistulang inaatake sa puso si Lolo? Sino kaya ang hindi magtatrabaho para magbantay kay Lolo, dahil hindi na talaga eto p'wedeng iwanang mag-isa, gabi man o umaga? Sino kaya ang magiging shock absorber at tagasalo ng galit sa t'wing tinotopak si Lolo?
At higit sa lahat, sino kaya ang magt'ya-t'yagang mapirmi sa bahay nang mahigit dalawang taon, walang day-off na dala-dala ang lahat ng hinanakit at sakripisyo na nabanggit ko, na walang tinatanggap na sweldo o regular na allowance man lang?
Bakit? Kahit weekend man lang e hindi ka makalabas mag-isa?
E paano nga lalabas e wala ngang pera e. Alangan namang nasa mall ako na pamasahe lang ang dala? Ano, hindi na 'ko kakain? Maglalaway na lang sa mga nakikita ruon? Pucha! Eh di lalo lang akong nagmukhang-kawawa!
Samantalang sa Pilipinas e nabibili ko lahat ng gusto ko, lalo't hindi naman ako maluhong tao. E dito, ultimo pambili ng five-dollar na phone card para man lang makausap mga mahal ko sa buhay e pino-problema ko pa e.
Di bale, konting tiis na lang, aLfie. Pasasaan ba't uunlad ka rin d'yan at makakapamuhay sa paraang gusto mo.
Konting tiis? 'Tang ina! Kayo kaya lumagay sa p'westo ko!