The Return of eLf ideas

ideas of an eLven being in Canada

Saturday, July 09, 2005

The Twenty-first of a Dozen Verses

.
Muli, sandosenang *pitu-pito*...

July 1, Friday
Ako ay nagilalás
Nang bigla kang kumatok;
’kala ko’y habambuhay
Kong kakambal ang malas.
’ka’y aking pinapasok,
O pag-ibig na tunay—
Kabiyak hanggang wakas.

July 2, Saturday
Tahan na, aking mahal;
Kaunting tiis na lang,
At ako’y pauwi na.
Kahit ubod ng bagal,
Kahit panay ang bilang,
Kahit lagi’ng pagluha…
Tibay—ating dasal.

July 3, Sunday
Anuma’ng aking gawin,
’ka’y laging nasa isip,
’kaw ang tibok ng puso,
’ka’y init ng damdamin,
’ka’y tanging panaginip,
Kasama sa aking plano,
Repleks’yon sa salamin.

July 4, Monday
Eto na naman ako—
Wala na namang ganang
Magbasa at magsulat.
Págod nga lang ba ’to o
Sadya lang nabubuang?
Utak, laging pagód; at
Mata’y madalas mugtô.

July 5, Tuesday
Ang init ngayon dito!
Singit ko’y nagpapawis.
Buhok ay nanlalagkit.
Sana ay yakap mo ’ko.
Higpitan pa nang labis—
Katawa’y magkadikit;
Langhap ang ating samyo.

July 6, Wednesday
Tinatamad na naman
Ang aba n’yong makata—
Walang ganang magsulat,
Utak ay walang lamán,
Diwa’y nanggigitata,
Boses ay namamalat,
Saíd ang nalalaman.

July 7, Thursday
Mukha ba ’kong butikî?
Payat na’ng aking isip;
O kaya’y lantang károt—
Nasobrahan sa bigtî.
Nasa’n aking palikpik?
Nais kong pumalaot.
Ayaw ko nang humikbî.

July 8, Friday
May náligaw na langaw—
Grr! Sa loob ng silid.
Hinampas ko ng t’walya—
Hindi na nakagalaw,
Lumagpak patagilíd!
(Kumikisay-kisay pa)
Buti’t hindi sa lugaw.

July 9, Saturday
Kaarawan mo ngayon,
Pamangkin kong Julianna.
Hangad ko para sa ’yo:
Pag-unawa’t kompasyon
At pakikipagkapwa.
Kilala mo pa ba ’ko?
Ambilis ng panahon!

July 10, Sunday
Lahat ng ’yong daliri
Ay aking sisipsipin
Sa sandaling sumapit
Ang ating minimithi.
’sarap isip-isipin
Habang ’to’y papalapit;
Ako’y napapangiti.

July 11, Monday
Di ka ba bumibilib—
Dal’wang taon na akong
Tigáng sa pagtatalik?
Kumakabog ang dibdib
(Mistulang tunog ng gong)
T’wing ako’y nasasabik
Sa aming pagsasanib.

July 12, Tuesday
Ang bungo ko ay mangkok.
Mga mata’y bintana.
Kaalaman ay lugaw.
Mga kamay ko’y sandok.
Ang ulan ay biyaya,
Bawat patak ay sabaw;
Ako’y laging sasalok.


%%%
My own invention, pitu-pito refers to a form of Filipino poetry which consists of seven seven-syllable lines (7-7-7-7-7-7-7) with a regular rhyme pattern (like a, b, c, a, b, c, a, as in the poems above).

Archive
The First
The Second
The Third
The Fourth
The Fifth
The Sixth
The Seventh
The Eighth
The Ninth
The Tenth
The Eleventh
The Dozenth
The Thirteenth
The Fourteenth
The Fifteenth
The Sixteenth
The Seventeenth
The Eighteenth
The Nineteenth
The Twentieth

0 Comments:

Post a Comment

<< Home