The Return of eLf ideas

ideas of an eLven being in Canada

Thursday, July 13, 2006

Pasasalamat para kay Lolo


July 11, 2006 Tuesday

Sa lahat ng mga bumati at nag-alay ng dasal para kay Lolo, na pumanaw noong Sabado, July 8...SALAMAT SA INYONG LAHAT.

Alam kong karamihan sa inyo e nasubaybayan ang buhay ko rito sa Canada, lalo na ang aking naging karanasan bilang tagapag-alaga ng lolo ko nang halos tatlong taon. Salamat sa inyo. Malaki ang naitulong ng Internet, na patuloy na nagbibigay sa akin ng libangan, diversion from sadness and homesickness; higit sa lahat, ang tulay at bintana ko sa aking pamilya't mga mahal sa buhay sa Pilipinas at mga kaibigan sa iba't ibang sulok ng mundo.

Sa mga kaibigan, nakakakuha ako palagi ng lakas at source of hope. Mga kaibigang patuloy ko pang makakasama, makakausap, o makakasalamuha sa mahaba pang panahon.

...

Okey naman ako. Malungkot, syempre, kasi nawalan na ako ng lolo, nawalan pa ng matalik na kaibigan. Halos araw-gabi ba naman kaming magkasama e, kaya parang best friends na rin ang turingan namin ni Lolo.Nakakausap ko siya nang parang magka-edad lang kami. Minsan mistula na rin akong nobenta anyos mag-isip na gaya niya; minsan naman e siya ang nagmimistulang bata at sinasabayan ang mga hilig at pinagkakaabalahan ko. Pero, ang mahalaga, nagkaintindihan kami. Nagagalit sa isa't isa paminsan-minsan. Nagkakasabihan ng mga problema at frustrations sa buhay. Nagtatampuhan. Ganyan naman ang tunay na magkaibigan, di ba? Galit, bati; pero sa dulo ay kayong dalawa pa rin ang magdadamayan...lalo na kapag ang isa ay nangangailangan ng tulong--pinansyal man o tapik lang sa balikat.

...

Pero higit sa lahat, ang pinakamalaking natutunan ko sa pagiging companion ni Lolo sa mahabang panahon...

Laging i-maintain ang communication sa mga mahal sa buhay--family and friends--saan man sila naroroon, para lagi mo silang nakakausap kahit sa telepono o sulat o Internet man lang.

Maging generous hindi lamang materially kundi lalo na sa affection, words of hope and encouragement, and concern and empathy.

Respect others' beliefs. Ang motto ni Lolo na nagkapareho kami ay eto:

"Gawin mo ang kung ano ang makapagpapasaya sa iyo, basta ba wala kang napeperwisyo at pineperwisyo."

Yang si Lolo, ni hindi ko kinaringgan ng masamang puna sa ibang tao--anuman ang relihiyon at lahi nito. Sa kanya, pare-pareho ang lahat ng tao.

Sa pagtanda ng isang tao e maaalala ng kapwa n'ya ang lahat ng nagawa at nasabi nito nung bata pa s'ya--kaya kung kabutihan ang lagi nilang maaalala, hindi sila mag-aatubili na arugain ito o isipin at ipagdasal man lang.

Sincere na ngiti lang e masaya na si Lolo. Ganyan kasimple ang ligaya n'ya.

...

Of course, may mga flaws rin naman si Lolo. Karaniwan kapag nagsasalita tayo ng tungkol sa taong namatay e pulos iyong mabubuti lang. Si Lolo e meron din namang mga kaugaliang hindi ko nagustuhan, pero sa akin na lang iyon. Tutal, mas marami naman ang mga mabubuting parte ng kanyang pagkatao, kaya natabunan nito ang mga hindi masyado maganda. Pero, hindi ko na pagtutuunan ng pansin ang mga negatibong bagay na 'yan. Ang mahalaga, maraming mabubuting bagay na nagawa si Lolo hindi lamang sa angkan kundi sa mga kaibigan n'ya na rin.

Siguro kung may isang taong lubos na nakakilala sa tunay na pagkatao ng lolo ko e ako iyon. Dahil nga itinuring na n'ya akong matalik na kaibigan; naikwento n'ya sa akin ang napakaraming karanasan lalo na nung s'ya'y bata pa.Makulay ang buhay ni Lolo. Andami kong aral na napulot. Andami kong natutunan. Andami kong gagayahin. Marami din naman akong iiwasan. Ganyan naman dapat ang tao--bukas ang mata't tenga sa lahat ng bagay, subalit matalas ang isipan--kayang salain ang bawat nalalaman at natutunan--pinipili lamang ang makabubuti sa sarili at kapwa.

...

Masaya rin naman ako at pumanaw na si Lolo, dahil hindi na siya mahihirapan. Kung nakita n'yo lang ang kalagayan n'ya sa mga huling taon ng buhay n'ya--lalo na nung na-confine na s'ya sa hospital--3 months s'ya roon hanggang namatay na nga--kung paano s'ya laging namimilipit sa sakit at napapaungol na lang; hindi na makapagsalita. Hirap na hirap lunukin ang pagkain. Ultimo tubig e hindi na matanggap ng lalamunan n'ya. Halos 2 oras lagi ang iginugugol ko sa pagpapakain sa kanya. Naisip ko kasi na kung hindi ako nagtitiyaga e sino pa ang papalit sa akin sa ganoong klaseng pag-aalaga. Kaya mabuti na rin at namahinga na s'ya nang tuluyan.

...

Masaya ako, higit sa lahat, dahil malaya na ako. Wala na akong aalagaan nang gaya ng ginawa kong pagsisilbi kay Lolo. Makapag-iisip na akong mabuti para naman sa sarili kong buhay na inuumpisahan ko na rito.

...

Siya naman. Siya naman ang siguradong nagbabantay sa bawat hakbang ko, saan man siya naroroon.

...

Muli, salamat sa lahat. Hindi na ako magbabanggit ng pangalan ng mga bumati at nagparamdam ng kanilang condolences; baka may malimutan pa ako.

...

On Friday, July 14, 2006, 6 p.m. to 12 midnight, my grandfather Conrado Lanuza Vera Sr. (1915-2006), will be at Knysh Funeral Chapel, 1020 Main Street, Winnipeg, Manitoba. To friends in Winnipeg, I invite you all to see him for the last time.

A mass will be held for him in the morning of the next day, July 15, at St. Joseph's Church on Mountain Ave., Winnipeg.He will thereafter be cremated.

...

Papa, thank you for the wonderful and irreplaceable memories that we shared together. I will carry all of these in my mind and heart for the rest of my life.

As what many people say, we don't worry about you anymore because you're finally together again with Mama in the after-life, if there's really such a place.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home