The Return of eLf ideas

ideas of an eLven being in Canada

Monday, May 22, 2006

Bilóg Nga Ba ang Itlog?

.
[My fifth article to be published in The Filipino Journal. I wrote this particular article while dealing with my own jadedness and solitariness in having to stay every day at the hospital to look after Grandfather. I'm thankful that, despite the boredom and sickening routine, I can still write something useful and ponderous. Also, I'd like to dedicate this article to Loriedith Meneses, a former Diwa officemate who e-mailed additional inputs for this particular article.]

Bilóg Nga Ba ang Itlog? by aLfie vera mella

Maraming salita sa wikang Filipino ang hindi tumpak ang gámit. Subalit dahil matagal nang nakasanayan ang mga ito, maraming Filipino ay tuloy pa rin sa paggamit. Sa kagustuhang maplantsa ang gusot na aspetong iyan ng wikang Filipino, maraming mga bagong-sibol na manunulat ang patuloy sa paglikha ng mga mas tama at karapat-dapat na alternatibo.

Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa lamang ng kakikitaan ng maling gámit o pagkakasalin sa Filipino.

Itlog na pulá? Pulá nga ba ang kulay ng tinà (dye) na ginagamit na pangkulay sa balat ng itlog na pinaalat? Hindi ba’t malinaw na magenta o maroon ang kulay nito? Subalit dahil sa walang eksaktong katumbas sa Filipino ang mga salitang iyan, “pulá” na lang ang ginamit—dahil ito ang kulay na pinakamalapit. Upang maiwasto ito, ang mungkahing sálin sa Filipino ng salted eggs ay itlog na maalat, na tumpak at mas angkop.

Ang itlog ng ibon ay bilóg? Hanggang ngayon, marami pa rin ang nagsasabing bilóg ang itlog ng ibon. Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakakakita ng itlog ng ibon na bilóg ang hugis. Hindi kailanma’y naging bilóg ang hugis ng itlog ng alinmang uri ng ibon. Ang tamang hugis nito ay biluhabâ—itlog man ’yan ng maya, bibe, kalapati, kuwago, uwak, o pabo.

Of Colors
And their Filipino translations:
red
= pulá
blue = asul, bughaw
yellow = dilaw
green = berde, lunti, luntian
violet, purple = ube, lilà
orange = dalandan
brown = tsokolate, kayumanggi
beige = murang kapé
pink = rosas
gray = abó, ábuhin
silver = pilak
gold = ginto

And Shapes
And their Filipino translations:
circle, round, circular
= bilóg
oblate, oval, spheroid = biluhabâ
square = parisukát
rectangle, rectangular = parihabâ
triangle, triangular = tatsulók
rhombus = rombo

E paano na ang kulay maroon at magenta, at mga hugis na tulad ng trapezoid at nonagon? Dahil ba hindi kayang isalin sa Filipino ang mga ’yan ay maaari na nating maliitin ang ating pambansang wika? Hindi ba’t meron din namang mga salitang Filipino na hindi kayang tumbasan ng Ingles—tulad ng “alimuóm,” “kalabit,” “kuyakoy,” at “paglilihi”? At hindi ba’t maraming salitang Ingles ay hango o hiram din naman sa ibang wika—tulad ng bona fide (Latin), bungalow (Bengali), dim sum (Chinese), faux pas (French), origami (Japanese), piñata (Spanish), saga (Icelandic), sauna (Finnish)?

SA MADALING SALITA
Hindi lang Filipino ang merong kakulangan kung kaya’t kinakailangang manghiram; ultimo ang Ingles at anupamang wika.

Dahil dumaranas ng problema sa aspeto ng pagsasalin, ang bawat lenggwahe ay napipilitang manghiram sa ibang wika. Hindi ba’t maganda ang isinisimbulo n’yan—ang lenggwahe’t kultura ng iba’t ibang bansa ay patuloy sa paghihiráman at pagbibigayan?

Kaya h’wag balewalain o ikahiya ang sariling wika. Imbes, pagyamanin ito sa pamamagitan ng paggamit nang tama. H’wag din namang kalimutang bigyan ng halaga ang kultura’t lenggwahe ng ibang bansa, lalo pa’t madalas tayong manghiram ng salita kung kinakailangan; at wala namang masama r’yan, basta ba ginagamit natin ito sa wastong paraan at makabuluhang dahilan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home