The Return of eLf ideas

ideas of an eLven being in Canada

Monday, May 16, 2005

Gusto Ko Nang Umuwi

Matagal ko na ring nais isulat ang mga ideyang nilalaman ng artikulo kong ito; subalit laging nauudlot. Ang nagsilbing enzyme o catalyst sa blog entry na 'to ay ang isinulat ng kaibigan kong si Butch, na tulad ko ay nasa ibang bansa, mag-isang nakikipagsapalaran sa buhay, malayo sa mga taong maaari n'yang asahan.


Kahapon, Linggo, kami lang ni Lolo, as usual, ang naiwan sa bahay. At dahil naubusan na ako ng ideya sa larangan ng pagluluto ng ulam para sa aming hapunan, naisipan ko na lang magprito ng sausage at maglaga ng itlog; itlog na ihahalo ko sa ginayat na sibuyas, suka, asin, at konting asukal. Habang nalalaga na ang itlog, inumpisahan ko nang gayatin ang sibuyas. At mayamaya pa, di ko namamalayan ay lumuluha na pala ako. Ginaya ko ang mga karaniwang napapanood ko sa mga Filipino telenobela: Hindi ko pinunasan ang aking luha; hinayaan ko itong tumulo sa aking pisngi.

...hanggang sa hindi ko na rin alam kung ang mga luha bang iyon ay sanhi ng katas ng sibuyas o luha mismo ng aking pag-iisa't kalungkutan.

Anu't anupaman, mag-isa akong umiiyak doon sa kusina. At mayamaya pa, wala na ang katas ng sibuyas subalit patuloy pa rin ang aking pagluha. Doon ko napagtanto ang aking tunay na nararamdaman.

...na ang luha palang iyon ay hindi dahil sa katas ng sibuyas. Luha pala iyon ng aking pagnanasang makapiling na ang aking mga mahal sa buhay.

Luha ng pag-iisa at kalungkutan.

Sa t'wing mahaharap ako sa malaking problema, dito sa aking kinaroroonan, gusto ko nang umuwi.

Sa t'wing makaririnig ako ng masasakit na salita buhat sa mga taong inakala kong igagalang ako at tutulungan habang ako'y nag-iisa, malayo sa pamilya, nagsisilbi sa matanda nang walang sapat na kapalit, at naghihintay na mabigyan ng pagkakataong makapamuhay nang mag-isa at matiwasay, gusto ko nang umuwi.

Sa t'wing dadalawin ako ng pangungulila at kalungkutan sa gabi—kalagayang hindi magpapatulog sa akin, dagdag pa ang pagbabantay sa matanda ultimo sa madaling-araw—gusto ko nang umuwi.

Sa t'wing mararamdaman kong wala akong sariling tahanan, walang mga kaibigang maaaring takbuhan anumang oras, walang mapagkukunan ng panggastos sa pangangailangan, gusto ko nang umuwi.

Sa t'wing pakiramdam ko'y hindi ko na kaya ang bigat na nararamdaman, nais umiyak sa balikat ng nagmamahal, gusto ko nang umuwi.

Sa t'wing babalikan ko ang taong 2003, kung kailan ako nagdesisyon kung tutuloy ba ako sa Canada o tatanggihan ang pagkakataong makapangibang-bansa, parang gusto kong magsisi.

Subalit...

Nararapat ba akong magsisi? Mali nga ba ang desisyon kong tumuloy ng Canada? Mas maganda nga kaya ang nangyayari sa buhay ko kung pinili kong hindi tumuloy? Ngayon ko sasagutin ang mga katanungang iyan na matagal nang bumabagabag sa aking damdami't isipan, para mabawasan naman ang paghihirap na laging gumugulo sa aking isipan; para, imbes na tuluyan na akong matalo ng panlulumo, lalong tumibay ang aking kalooban at maragdagan pa ang tapang na harapin ang buhay na nararanasan ko sa pangkasalukuyan.

1. Kung hindi ako tumuloy ng Canada noong 2003, walang mag-aalaga sa aking lolo. Sigurado akong walang kamag-anak na naninirahan sa Canada ang kayang iwan ang trabaho o pag-aaral upang bantayan ang matanda buong araw, buong magdamag. Hindi na kaya ng matanda mag-isa. Ultimo pag-ihi, pagligo, pag-akyat ng hagdanan, pagkain, pagbihis, pag-inom ng gamot, o pagbukas ng TV ay hindi na n'ya kaya. Kung hindi ako natuloy sa Canada, nasa Nursing Home na s'ya.

2. Kung hindi ako tumuloy, nagtatrabaho pa kaya ako sa Diwa Scholastic Press? Malamang hindi na. Sigurado akong kasama ako sa mga tinanggal sa trabaho nuong 2004, kasama ng aking mga "ka-prinsipyo" sa opisina gaya ng mga kaibiga't ka-editor kong sina Jayge, Shella, Elline, at iba pa. Kabilang kasi kami sa mga madalas bumatikos sa mga huwad at di-makatarungang gawain ng dati naming boss. Umabot pa nga sa demandahan, dahil lagpas na sa maaaring sikmurain ng mga empleyado ang mga pinaggagagawa ng boss naming iyon. E ang problema, magaling din naman ang boss naming iyon sa larangan ng "pambobola" ng mga kliyente, kaya ayun, kampi s'yempre sa kanya ang kompanya. Malaki rin naman ang naiaakyat n'yang pera; kaya kahit pa sandamukal pa ang kanyang kinukurakot e hinahayaan na lang ng kinauukulan. At sa huling banda, kami s'yempreng maliliit ang maituturing na disposable. At ayun na nga, naunahan ko sila; dahil, bago pa man magkatanggalan, nakapag-resign na ako dahil nga paalis na ako papuntang Canada. At pagpasuk na pagpasok nga ng taong 2004, inalis na sa p'westo ang boss na aking tinutukoy; tanggal din sa trabaho ang editors na aking mga kabaro. Malamang ginawa ito ng kompanya upang maipahatid ang mensaheng: "We don't tolerate corrupt superiors; however, we also don't take the risk of keeping employees who have the temerity to speak up and fight against the management."

Kaya, kung hindi ako nakaalis, at kasama ako sa natanggal sa trabaho, nasaan na kaya ako? Sa edad kong ito, madali kaya akong nakahanap ng bagong trabaho? Trabahong malaki ang sweldo at gusto ko ang ginagawa, kaya ang aking makukuha?

3. Kung hindi ako tumuloy, mararamdaman ko rin kaya ang kahalagahan ng mga bagay at taong dati-rati'y hindi ko masyado nabibigyan ng pansin? Noong nasa Pilipinas ako, dahil na rin sa hirap ng buhay—kahit pa malaki ang aking sinusweldo—hindi ko lubos maisip na magkakaroon ako ng kakayanang mag-asawa at makapagsimula ng sarili kong pamilya. Marami na akong naka-relasyon sa buhay, subalit ni hindi sumagi sa aking isipan ang pag-aasawa. Kaya, kundi ako tumuloy, nararanasan ko rin kaya ang kakaibang character transformation na pinagdadaanan ko ngayon? Nakita ko kaya nang buong-linaw ang mga bagay na dapat kong makita?

4. Nung nasa Pilipinas pa ako, kabilang ako sa mga taong muhing-muhi sa sariling bansa, hatid na rin ng mga kasamaang nagkalat sa paligid—sa gobyerno, kahirapan, magnanakaw, terorismo, mga baluktot at paatras na paniniwala—subalit nang mawalay ako sa bansang sinilangan, lalo pa't nakita ko na rin naman ang sariling kapansanan at naamoy ang kabahuan ng bansang nalipatan at ng ilan sa mga sa kanya'y naninirahan, e nagbago ang aking damdamin. Ang dati-rating namumuhi sa sariling bansa ay s'ya mismong unang-unang nasasaktan sa t'wina may maririnig na panlalait sa Pilipinas. Mas iniintindi ko na kaysa kinamumuhian ang mga kakulangan at kalabisan ng aking bansa. Napagtanto ko na, kahit saang lupalop ka pa ng mundo mapadpad, kasama mo ang ginhawa at hirap; mayroong mayaman, mayro'ng mahirap; may mababait, may ubod ng sama...na ibig lamang sabihin ay, nasa tao na talaga ang pagbabago tungo sa kabutihan.

5. Kung hindi ako tumuloy, may trabaho kaya ako ngayon? Hindi kaya sakit na rin lang ako ng ulo ng aking magulang? Tambay na rin lang sa bahay habang wala pang pinagkakakitaan? Hay! Naranasan ko na rin naman ang mawalan ng trabaho sa mahabang panahon. Tandang-tanda ko pa—pakiramdam ko'y ako na ang hari ng mga batugan.

6. Kundi ako tumuloy, nagkita kaya kami uli ni Charlotte? Sakaling magkita man, maramdaman pa rin kaya namin ang kahalagahan ng bawat isa? Pansinin kaya n'ya ako? Pansinin ko kaya s'ya? Maramdaman ko pa rin kaya ang walang-kapantay na kaligayahang hatid ng maikling tawag sa telepono, sulat sa e-mail, paulit-ulit na I love you? Maiyak pa rin kaya ako sa simpleng titig sa kanyang larawan o kinig sa kanyang boses?

7. Kundi ako tumuloy, nakaya ko pa rin kayang masabi sa mommy ko kung gaano s'ya kahalaga sa aming magkakapatid? Nakaya ko kayang masabi o maisulat man lang ang I love you o I miss you? Ganito kaya ang pag-aalala ko lagi sa aking mga kapatid at mga pamangkin? Ultimo sa aking mga kaibigan, ganito pa rin kaya ako sa kanila—mak'wento, maalalahanin, di nagdadalawang-isip sa pagpapaalam ng kanilang halaga sa aking buhay?

8. Kundi ako tumuloy, umabot pa rin kaya ng ganito kalalim ang aking pananaw sa buhay? Nakilala ko kaya nang lubusan ang aking sarili? Ganito pa rin kaya ang aking mga iniisip o sinasabi? Mabibili ko pa rin kaya ang sandamukal na libro kung saan ay napakarami kong napupulot na kaalaman sa loob lamang ng maikling panahon?

9. Kundi ako tumuloy, ganito pa rin kaya ang aking mga plano sa buhay? Ganito pa rin kaya kalinaw ang aking mga pangarap? katuwid ang direksyon sa buhay? Makikilala ko pa rin kaya ang tunay na pagkatao ng aking mga kamag-anak?

10. Kundi ako tumuloy, maiisip pa rin kaya naming magpakasal ni Charlotte? Ganito rin kaya ang tindi ng pagmamahal na nararamdaman namin sa isa't isa? Ganito pa rin kaya ang aking kasiyahan, isipin pa lang ang mga gusto kong mangyari sa aking kinabukasan?

Oo, gustung-gusto ko nang umuwi! Pero hindi sa paraang ako rin ang talo. Ayaw kong umuwi nang luhaan, walang dalang bunga mula sa aking mga sakripisyo't pagpapakasakit. Kaya haharapin ko muna ang kung anumang pagsubok na ibinabato sa akin. Aantayin ko muna na magkaroon na ako ng karapatang makapagsarili at makapamuhay nang maayos na walang inaalalang sagabal.

Uuwi akong matagumpay! May malaking naipon, may kakayanang ituloy ang mga planong pinag-isipan, makapagpakasal, may karapatang bumalik ng Canada, kasama na ang aking asawa. At kapag nandito na rin s'ya, kami ay magmamahalan at magtutulungang mapaganda pa ang aming buhay, upang makatulong sa kanya-kanyang pamilya na nagpakita ng malaking suporta, pagpapahalaga, at pagmamahal sa aming dalawa sa gitna ng mga pagsubok na ipinupukol ng pagkakataon.

Sana nga, maayos nang walang sagabal ang aking pagiging imigrante sa bansang kinasasadlakan.

Ngunit h'wag kayong mag-alala, anuman ang mangyari, wala nang sinumang makababawi sa napakaraming aral na aking natutunan sa pamumuhay nang malayo sa mga mahal sa buhay, nang walang matakbuhan anumang oras kundi ang aking panulat. Walang tutumbas sa mga ideyang napilitang iluwal ng aking damdami't isipan sa gitna ng aking nakapanlulumong kalagayan.

Kaya, nagsisisi ba ako sa aking naging desisyon na pagtuloy sa Canada upang alagaan ang aking lolo?

Hindi!

Sapagkat, malaki ang aking paniniwala na lahat ng bagay ay may dahilan. Lahat ng karanasang aking tinamasa, kaligayahan man o paghihirap, ay malaki ang kontribusyon sa aking pagkatao. Hindi ako ngayon ganito kung hindi ako naging ganoon noon at kahapon. Hindi tumibay ang aking kalooban at luminaw ang mga plano't pangarap kung hindi ako nalayo sa aking tahanan, kung hindi naranasan ang ibayong pasakit at paghihirap, kung hindi napilitang mag-isa at piliting maisakatuparan ang mga bagay na parang imposibleng mangyari.

Gusto ko nang umuwi, subalit hindi pa talaga maaari. Pero sinisiguro ko, ako'y uuwi at uuwi.

At sa araw na iyan, sinisiguro kong babaha ng luha sa Ninoy Aquino International Airport. Luhang manggagaling sa akin, kay Charlotte, kay Mommy, kay Daddy, sa aking mga kapatid, pamangkin, matatalik na kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Sisiguraduhin kong ang luhang papatak ay hindi sanhi ng katas ng sibuyas, at lalong hindi na luha ng pag-iisa't kalungkutan; kundi...

Luha ng pasasalamat at kaligayahan.

18 Comments:

  • At Monday, May 16, 2005 7:21:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    TOL, JUST HANG IN THERE. EVENTUALLY E MAGKAKAROON KA RIN NG KALIGAYAHAN KAPAG NAKAUWI KA NA ULIT SA PI. KAPAG NANGYARI ITO MALAMANG NG BALIKAN MO ANG IYONG MGA SAKRIPISYO. ITO AT MAGBUBUNGA RIN NG MAGANDA! IF YOU NEED SOMEONE TO TALK TO NARIYAN LANG KAMI SA NW101 =) INGAT JAN TOL!!!

     
  • At Monday, May 16, 2005 9:11:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    pards,

    Stay strong...part ng training mo yan in dealing with life....you have a purpose.

    btw, download www.skype.com to contact me... my userid is weezer1203 and you can use it to call your family back home for free thru internet telephony.

    regards,
    scps schoolmate

     
  • At Monday, May 16, 2005 10:06:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    ...All the books I read
    lionize dazzling hero figures,
    brimming with self-assurance.
    I die with envy of them;
    and, in films where bullets fly on the wind,
    I am left in envy of the cowboys,
    left admiring even the horses.

    But when I call upon my DASHING BEING,
    out comes the same OLD LAZY SELF,
    and so I never know just WHO I AM,
    nor how many I am, nor WHO WE WILL BE BEING.
    I would like to be able to touch a bell
    and call up my real self, the truly me,
    because if I really need my proper self,
    I must not allow myself to disappear.

    While I am writing, I am far away;
    and when I come back, I have already left.
    I should like to see if the same thing happens
    to other people as it does to me,
    to see if as many people are as I am,
    and if they seem the same way to themselves.
    When this problem has been thoroughly explored,
    I am going to school myself so well in things
    that, when I try to explain my problems,
    I shall speak, not of self, but of geography.

    We Are Many/Pablo Neruda

     
  • At Monday, May 16, 2005 11:49:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    grabeh, kaiyak naman.
    known you last July 2000 lang and never in my life I imagine na sobrang iba talaga ang personality mo.

    grabeh nakakabilib ka alf.
    sobrang nalungkot ako sa sinabi mo, it open some room in me para makaramdam din ng lungkot. di dahil sa kalagayan mo kundi sa skin na rin. Nkaramdam na rin kasi ako ng ganyan katinding feeling.

    pero masasabi ko lang na lalo lang kitang minahal friend, bcuz your tough to face everything all by yourself. pero 'lam mo sa totoo lang you're not alone, physically di mo nga kmi makita pero kpag nadma mong may sumsuporta sayo prang anjan na rin kami.

    God put you there kasi he knows how tought your personality is, yaka mo yan more than anyone else. and that will make you a more better person.

    di ba sbi ko sayo tumingin ka sa maganda kpag nalulungkot ka, and nver ever forget to smile ">

    KAYANG-KYA MO YAN FRIEND!

    Konting tiis lng, I'm sure everything will be alright.

    here lang lagi,
    anna

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 2:46:00 AM, Anonymous Anonymous said…

    siguro...
    ni jayge
    May 17, 2005


    masarap sigurong manirahan sa amerika
    o sa canada

    mas marami sigurong oportunidad
    maraming 'de kalidad'

    masarap sigurong langhapin ang kanilang hangin
    para kasing walang polusyon...di gaya sa atin

    sabi ng iba, masarap daw ang mga pagkain
    masaya naman kaya sila habang kumakain?

    at kahit san ka siguro tumingin
    "maganda!" at "masarap!" ang iyong sasambitin

    ahmmm...o sige, pupunta din ako dyan.

    siguro.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 3:40:00 AM, Anonymous Anonymous said…

    aLf, syempre naman magpapansinan tayo noh! di ba nga yung last nating pagkikita, hinintay mo ako sa gitna ng kalsada and you regretted na di mo hinabol yung jeep? ako naman, engot talaga, nahiya pang bumaba? haha! jologs natin.

    but yea, im not certain if we would be experiencing the same level of trust, respect and commitment we have in each other and in our relationship now.

    -c.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 3:48:00 AM, Anonymous Anonymous said…

    jayge, anong matigok si aLf ka jan?ikaw kaya ang tigukin ko? we havent signed-up for the scents&fragrances training yet!

    -c.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 11:56:00 AM, Blogger eLf ideas said…

    Kap,
    Thanks, always, for the support. As I always say, the newwave101 yahoogroup has long been a great source of not only music info but more so friends who share the same sentiments and views in dealing with the difficulties of life.

    Good luck on your new job, by the way.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 11:58:00 AM, Blogger eLf ideas said…

    scps schoolmate,
    Hmmm, mysterious! Hahaha! But, you know, your simple words suddenly inspired me to sustain my hope and strength.

    I believe you, that everything is a part of my training in dealing with life and that I have a significant purpose to play in this life.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:00:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    demolition,
    Hahaha! Musta na? oo nga, buti na lang talaga at nakasibat ako kaagad, kundi! Hahaha!

    Paperclips? Hahaha! Natakot tuloy ako magtrabaho sa mga opisina rito; baka mga higanteng paperclips ang naghihintay sa 'kin. Hahaha!

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:01:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    Rommie,
    Thanks for sharing this insightful Neruda poem; for reminding me that I am never alone in this continuous struggle.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:14:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    Anna,
    Thank you very much for regarding me a good friend. Yeah, we've known each other only for a relatively short period of time, but it didn't prevent us from glimpsing important details of our personalities.

    As I wrote you, I could still remember the first time we had a ponderous conversation there at our former Boni office; and that was really worth remembering.

    Stay strong, too. At least, now we realize "we are many."

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:20:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    Ivy,
    Thanks for these wonderful and very inspiring words from Max Stein. It's really encouraging to realize that we seem like a fellowship of friends helping one another cope with the realities and difficulties of life.

    I draw my major strength from all of you.

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:34:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    Jayge,
    salamat sa iyong maikling tula--
    iyong planong pagpunta sa Canada.

    ika'y tama sa iyong panukala,
    na rito'y puno ng gintong pag-asa.

    kaya kahit mahirap ang mag-isa
    ay pinipilit kong maging masaya.

    iniisip ko na lang, ating bansa,
    mga kaibigan at kapamilya.

    aking kaibigan, wag kang mag-alala
    balang araw tayo'y muling magkikita

     
  • At Tuesday, May 17, 2005 12:36:00 PM, Blogger eLf ideas said…

    hon, suspect ba si jayge sa titigok sa 'kin? hahaha! di si jayge yun, hehehe. si anu yun, ayaw paalam pangalan e, baka hantingin mo raw. hahaha.

    he's one of our best friends at Diwa, kasamang nakibaka...

     
  • At Thursday, May 19, 2005 3:49:00 AM, Anonymous Anonymous said…

    hehe! di nga si jayge. di na nga ako dadaan ng mkt ave, baka patirin ako nun.

    hon, thanks sa tawag, kulang pa rin kahit 2 phonecards kahit araw-araw haha!

    ga-higanteng paperclips hahaha! baliw!!!

    c.

     
  • At Thursday, May 19, 2005 1:05:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    Hi Alfie!
    I just read your blog.....and I just would like you to know that I admire the strength of your character and the wisdom that you acquired with life's struggles. I definitely agree with you when you say that things happen for a reason...remember even the falling of a leaf has its purpose in the great scheme of things. I believe that the almighty has a grand plan for you....so when you feel that you are in the abyss of pain and misery...just think of the grand things in store for all these preparations. I have nothing but sadness for all those people who are making life difficult for you there in Canada. They were obviously missing out on the brilliance that you are. Your Lolo is one lucky soul to have you...I know that you'll continue to triumph the obstacles life will bring...because you are the kind of person who sees that in every challenge lies an opportunity.
    Take care and God bless.
    frodo lives!
    joel bohol

     
  • At Friday, May 20, 2005 6:31:00 AM, Blogger eLf ideas said…

    Sir Joel,
    Reading a comment from people like you, whom I highly regard, is doubly inspiring.

    Thanks for believing in me and for seeing through me.

     

Post a Comment

<< Home